Thursday, October 7, 2010

The Cycle


3:31 pm
June 26, 2008
Room 109

Hindi na siya mapakali sa kanyang upuan. Maaaring napapansin na kanyang katabi na kanina pa siya ‘di mapakali sa kanyang upuan. Hayung, humarap siya kung saan-saang direksyon na ‘di mo malaman kung malikot lang ba siya o ano.

Sandali na lang.

“Class dismissed.”

Gusto niyang tumakbo patungong CR pero tingin niya naman OA kung gagawin niya ‘yun but she still did. Stupid.

Hallelujah! Sigaw ng isip niya. Sa wakas. Wala na. Habang nakatingin sa pader ng CR kung saan siya lang ang tao ay mapapansin ang mga vandalisms na ‘di mo malaman kung saan nanggaling. May mga bastos, as in GREEN, yung iba naman pa cute, ‘yung iba EMO. Meron pa ngang bible verse. Kanya-kanyang trip lang ‘yan, walang basagan.

Naalala niya may dark green pentel pen nga pala siya, yung manipis lang ‘yung tip. Pero inisip niya kung ano ang isusulat niya. Ayaw naman niya ng katulad ng mga nabasa na niya.

At gumalaw ang kanyang kaliweteng kamay.

“2008 100%”

Hayan, walang makakaintindi niyan. Siya lang. At siya nga lang.

May nag-text sa kanya. Napangiti siya at nagmadaling lumabas ng CR. Tumakbo siya patungo sa sakayan ng jeep, sa may shed. Natanaw na niya. Ang tangkad, ang clean cut nitong buhok, ang tindig ng taong gustong-gusto niya. Pero hindi nito iyon alam. Hindi nito alam na alam niya ang course nito, na Senior na ito, na sa ganitong dorm ito nakatira, at kung anu-ano pa.

Nang sumunod na araw, pareho silang nasa library. Pero hindi niya sinadya na magkasabay sila. Totoo ‘yon. Ano nga ba ‘yung hinahanap niyang libro, ah tama, oo nga, nasa…na kay… pala. Aktong ibabalik na ni Lalaki ang libro ng tila napansin nitong hinahanap niya ang libro. At iyon ay iniabot nito sa kanya. Sabay ngiti. Sabay layo.

At pagkatapos, tapos. Kinilig na siya! Oo, iyon lang! Yeah! First up-close encounter! Nginitian siya!

Pagkatapos mag-library ay nagpunta siya ng CR para maghilamos. Nagpunas ng mukha. Naglagay ng pulbos sa mukha at leeg. Palabas na siya ng mapansin niya ang isinulat niyang vandal n’ung nakaraan.

“2008 100 %”
“110% na!”

Natapos ang semester at hindi na niya napagkikinita si Lalaki. Kahit ang mga ‘galamay’ niya hindi na rin nila ito nakikita. Siguro nagpapa-miss lang ‘yun, makikita ko pa siya ulit. Think positive !

Dumaan ang sembreak, Christmas break pati summer break! Pero hindi na niya ito nasilayan.

“2008 100%”
“110% na”
“ 2009…at ngayon, 50% na lang.”

Pagkatapos i-check sa salamin ang sarili ay lumabas na siya ng CR. Mataas ang grades niya sa mga class cards na dala-dala niya sa bag pero malungkot siya.

Siguro ganun talaga, some things are not meant to be. Meant to be. Teka ano ba pinagsasasabi niya? Eh wala naman silang kahit ano? Halos isang taon na rin niyang ‘minamanmanan’ ‘to, s’an na kaya ‘yun ?



June 2, 2010
9:08 pm
Sakayan ng Jeep, Sa Loob ng Campus


Habang naghihintay siya ng jeep sa shed ay…ay... teka si… ba ‘yun? Patawid, mukhang puyat siya, ang dami niyang bitbit, parang ‘di siya magkandatuto. Medyo mahaba na rin ang buhok niya at nagpatubo ng balbas…tsaka…

Tumuloy ang lalaki sa pagtawid.
At narinig ang wang-wang sa paligid. Ng pulis. Ng ambulansya. Nakahinto ang isang SUV. Tense ang driver nito. Tumilapon ang mga dismissal documents at term papers sa kalye. Pati mga class cards. Na nakulayan na ng dugo.

“ Alam ninyo na ba ‘yung balita ‘dun sa lalaki at babaeng nasagasaan sa may tapat ng shed…’yung babae raw coma.”

“Eh ‘yung lalaki?”

Sinamahan siya ng kanyang Mama sa sementeryo. May dadalawin daw sila. Ipinagtirik ng kanyang Mama ng kandila ang lalaking may pangalang Rome. Weird ng pangalan.

November 1, 2010
10:08 am
North Cemetery


“‘Nak, siya ‘yung lagi kong pinaaalala sa ‘yo.”

Lumuhod siya sa tapat ng lapida nitong nasa ibabaw ng neatly trimmed lawn, wala siyang maramdaman. Ni mukha ng Lalaki ‘di niya matandaan.

Tagal niya ring ‘di nakapasok sa school dahil sa tagal niya sa ospital. Uulitin niya tuloy ang halos isang semester. Maraming bumabati sa kanya na hindi naman niya kilala. O mas tamang hindi niya matandaan. Napatingin siya sa pader ng CR, kung saan siya lang naman ang tao. May mga vandals siyempre. May green jokes, at ‘yung iba bastos lang talaga (hindi na joke), yung iba naman parang alien ‘yung nagsulat, ‘yung iba EMO, punks not dead. At guess what? Meron pa ngang bible verse. Mga tao nga naman.

“2008 100%”
“110% na”
“ 2009…at ngayon, 50% na lang.”

Ano ‘to? Tanong niya sa sarili. Nagko-compute ba ang nag-vandal nito ? Anong trip kaya ‘to? Economic growth kaya ‘to?
Dugtungan niya kaya? May maiinis kaya? Try niya lang kung magre-reply ‘yung talagang nag-vandal.

“2008 100%”
“110% na”
“ 2009…at ngayon, 50% na lang.”
“ 2010… 0%”
Habang isinisulat niya ang mga karakter parang napagtanto niyang nagsulat na siya sa pader ng CR na ‘to, ilang beses na at parang…pero hindi niya maaalala kung kailan at kung ano ang isinulat niya.


November 18, 2010
9:21 pm
Sakayan ng Jeep, Sa Loob ng Campus

Pauwi na siya. Ngayon na lang ulit din siya pupunta sa shed…sa shed, nakatayo siya at naghihintay ng jeep. May kuyang patawid… may parating na FX…

Ngayon naalala na niya, lahat…ang mukha ng lalaki, ang tindig, tangkad, buhok nitong humaba, matang pagod sa puyat, ang balbas sa baba, ang lalaking may weird na pangalan, si Rome…

Ngunit ibang lalaki na ang nasa harap, at hindi na ang lalaking ito ang masasagasaan…hindi niya hahayaan.

“Ang percents…levels ng damdamin ko…para sa kanya…sa pagkikita namin mai-explain ko na sa kanya.’’ Nausal niya bago mawala ang lahat.

At narinig ang mga wangwang. Ng pulis. Ng ambulansya. Nakahinto ang FX. Tulala ang driver nito. Walang mga papel o dokumentong tumilapon…isang katawang nakahandusay sa tapat ng shed.

“Kilala mo ba ang biktima?” tanong ng pulis sa naligtas.

Hindi ito makapagsalita sa sobrang pagtitimpi ng luha. Hindi niya masabing ang babaeng tumilapon ang katawan sa kalsada ay ang babaeng ilang taon na niyang binabantayan dahil gustong-gusto niya ito, pero ‘di nito alam ‘yon, hindi na nito malalaman ‘yun. Hindi na, kahit kailan.





Thursday, September 30, 2010

Lodging 8427

Isang motel. Motel na nanlilimahid. Sa lansangan. Lansangang puno ng tao. Ng mga taong may iba't ibang damdamin. Damdaming hindi tulad ng sa mga bata. Mga batang hindi tataas sa dalawang talampakan. Talampakang kay rusing na hindi rin nila alam kung saan galing. Nanggaling tayo sa loob. Sa loob ng apat na sulok ng langit. Langit ko, hindi para kahit kanino. Kanino ba tayo?

Wednesday, May 19, 2010

Nandirito Tayo sa Gitna- Unang Bahagi

Nandirito

Tayo

Sa

Gitna


April 8, 2010




Masasabi kong marami na akong narinig, nabasa, naikwento, napanuod, nai-tsismis, nai-bulong, na-isulat, nai-tula, naisip, nakalimutan, nai-lihim at napakinggang mga istorya. Sa katunayan, iniisip ko minsan kung ang mga ito ay may posibilidad ba talagang mangyari o talagang gawa-gawa lamang ng tagasalaysay. Ang alam ko nabasa ko ito, ngunit hindi ko na talaga matandaan kung nabasa ko nga ba ito sa isang libro o naikwento lang sa akin ng isang kaibigan. Basta ang sabi ay ganito : Minsan sa sobrang pagkalimot natin sa mga bagay-bagay, minsan napapaisip tayo kung nangyari ba talaga ang mga bagay na ito o ito'y yari lamang ba ng ating imahinasyon.

Tulad ng isang bagong kakilala. Nagkita kayo, sabihin natin sa gitna ng Binondo, at ang iyong kaliwang kamay ay pakaway na sana, biglang malayo ang tingin ni Kakilala. Wa-care. Napaisip ka tuloy kung nagkakakilala nga ba kayo talaga o nagkataong kamukha niya lang ang bago mong kakilala na napanaginipan mo lang pala. Pero nandoroon ang isang damdamin na nagsasabi sa 'yong kilala mo talaga siya. Ramdam mo eh. Somehow. At bigla mong maaalala, siya nga pala ang unang babaeng bumasted sa iyo noong High School. Ahahaha. Lupeettt!

Matatawa ka na lang dahil napag-trip-an ka ng isip at puso mo. Kumbaga, nag-connive ang dalawa nang hindi mo inaasahan. Nakakalungkot dahil hindi mo matutunang ma-kontrol ang dalawang ito ng sabay pero kaya ka nilang paiyakin at patawanin at the same time. Hindi ko alam kung ako lang ba talaga itong nagsasalita o ako lamang ang nagsasalita para sa mga taong tulad ko ring hindi alam kung praning ba o sadyang tumagilid lang ba talaga ang mga utak nila.
Gusto kong ikwento ang mga tagpo ng bawat isang kakilala ko. Kaibigan.

Kasabay. Katabi. Hindi kakilala. Ka-close at hindi gaanong ka-close. Kabatian. Kagalit. Mga kaklase. Ka-eskwela. Kabanggaan. Kasalubungan. Kaharap. Mga taong hindi ko maaaring makita nang madalas ngunit aking nakakausap at itinuturing na malapit sa akin. Pero sa totoo lang gusto ko lang talagang mag-kwento ng mga kwentong kaya kong i-kwento. Iyong manggagaling sa akin talaga. Iyong mga kwentong tumatakbo sa isip ko na akala ko hindi nangyari dahil sa pagkalimot ko rito.

Ayon sa isang nabasang libro ko na isinulat ni Kelman, noong siya'y hindi pa nagsusulat o noong siya'y medyo bata pa, iisa lang ang takbo ng mga kwentong nabasa niya. Ang mga bida ay panay ang pagpipilit na baguhin ang kanilang mga sarili. At dahil doon, nasabi niya sa sarili na siya ay susulat lamang ng kung ano ang nangyayari sa kanya, sa mga taong nakapaligid sa kanya, sa kanyang mundo. Mas lalabas daw kasi ang puso sa istorya mo kung alam na alam mo ang takbo nito kahit pagbuhul-buhulin mo ito tulad ng mga bituka at mga lamang-loob.

Naisip ko tuloy kaya ko kayang i-kwento ang kwento ko? I mean, memorized ko kaya ito forwards and backwards? At kahit pa paikut-ikutin ito ay masasabi ko kayang: Ay! Akin 'yan! Istorya ko 'yan! Hmmmm…Matagal ko nang sinukuan ito. Pero sabi nga nila, it could be better the second time around. Tama nga ba?

At isa pa, ika nga ni Chito M., "Paano ka tatama kung hindi ka tataya?" Nga naman. He has a point!

So paano na? Sisimulan ko na? Ang malaking tanong para sa akin ay kung paano ako magsisimula? Saan ko ba sisimulan? Sa ending? Eh 'di hindi na ending iyon. 'di ba?

Teka, konting process pa, konting pa-depress para may mai-sulat. Konting drama. Konting eksaherasyon. Konting kalokohan. Konting R-13. Konting antok. Konting recall. Konting frustrations. At maraming-maraming mga salita, eksena, kasalanan, desisyon, alaala, pagsisi, sayang, pagkakataon, relasyon, experiences, pictures, liham, kanta, sapatos, kalye, street foods, Coke, yelo, tuna at beer.

Wednesday, April 14, 2010

Si Sign

December 24, 2009
3:05 am


Malamlam ang liwanag mula sa ilaw sa poste. Kasing lamlam ng aking pakiramdam. Pitong araw mula ngayon, napagpasiyahan kong pakawalan na ang isang bagay na inakala kong inagaw sa akin ng panahon ngunit sa katotohanan ay hindi naman naging akin kailanman. Isang damdaming Kulang sa dilig, o mas tamang sabihin hindi naman talaga tumubo.

Ang sabi ko sa sarili, hihingi ako ng sign. Kapag hindi kita mamataan man lang sa misa mamaya…ay suko na ako. Sa wakas, ay susuko na ako.

Sa first half ng misa (parang ball game), ay wala akong ginawa kundi lumingon-lingon sa bawat sulok. Naghahahanap sa bawat bulto ng tao. Sa bawat grupo ng magkakapamilya. Sa bawat barkada. Sa bawat magkapreha. Sa bawat nag-iisa.

Sa ISIP ko lang: “Ngunit wala ka. Wala ni anino mo.”

“Ano ba? Bakit ba hindi ka mapakali?”

“ Wala, Nay. Baka makita ko lang si Mia.”

(Si Mia ay isa sa malalapit kong kaibigan na tagarito lang malapit sa simbahan na kunwari inaasahan kong magsimba, eh hindi naman yata sumasamba sa kahit ano ‘yon. Maliban sa sarili.)

Si Sign (Obviously, hindi niya tunay na pangalan). Siya ang may kasalanan. Siya. Nang mapansin ni Nanay na lilinga-linga ako ay nag-lie-low muna ako. Pero nandoroon pa rin ang pakikiramdam. Hoping that I’ll see the sign. My sign. Okay, medyo dapat nagpa-panic na ako. Nasa parte na ng misa na nagbabatian na ang mga tao ng “Peace be with you.” Sa totoo lang, ayokong magbigay ng “peace” dahil wala ako nun. Wala!!! Lalo na ngayon na mukhang talo na ako.

Alam ko iniisip ninyo na bigla na lang lilitaw dito sa gitna ng pagsasalaysay si Sign. Iyon din ang akala ko dahil naniniwala pa ako na may pag-asa pa. But you know, all my hopes were crushed. As in. Wala nang natira sa akin.

I was thinking to myself and didn’t notice that the mass is over. I didn’t see the sign. My sign. He never came for me.

Matapos ang sampung taon, sa wakas, naging pinal na rin ang desisyon ko na pakawalan ang lahat ng nadama, nararamdaman at mararamdaman ko para sa kanya. Kung tutuusin, ako lang naman talaga ang nasa labang ito. Nag-iisip na meron akong ipinaglalaban. Na sobrang dakila ko dahil dito. Pero ang totoong kalaban ko ay ang siya ring ipinaglalaban ko. Iisa sila.

Simple lang, hindi niya talaga ako gusto.


December 25, 2009
7:37 am


Nagising ako dahil sa amoy ng spaghetting alam kong ang ginamit na sauce ay banana ketchup na may kakaunting halo ng tomato ketchup. Ayoko talaga ng lasa ng banana ketchup, kung sa banana talaga gawa iyon. Ang tamis-tamis kasi. Nakakaasar naman kasi si Nanay eh, hilig sa ganoong luto.

Iyon ang unang umokupa sa isip ko nitong umaga. Pasko pala ngayon. nagpakawala ako nang pagod na hininga. Wala ako sa mood magdiwang ngayon. Iniisip ko pa rin iyong sa simbahan kahapon. Anim na araw na lang. Dapat hindi ko na siya…

Kumain ako ng spaghetti, pero bakit hindi ko malasahan ang tamis nito. Ang tamis na kinaiinisan ko. Na inaayawan ko. Hindi na ba ako tinatablan ng tamis dahil sa pait na pinilit kong ibalot sa sarili ko nitong mga nakaraang taon? O dahil lang talaga sa nangyari o mas tamang sabihing hindi nangyari kahapon? Kahapon sa misang iyon.

Hindi ko alam kung PMS lang ba ito or what. Wala akong ginawa sa loob ng kwarto kundi mag-sentir. Mag-sentir.

“Hindi naman kita papakawalan dahil sa hindi na…hindi na kita mahal.” (hagulgol)

“Pero wala ka namang pakialam, dahil para sa iyo, ako ay isang ‘wala lang’. Wala namang epekto sa iyo kung ano ang gusto kong gawin. Kesehodang santuhin kita sa mahabang panahon o kalimutan ka na lang bigla, wala naman iyong magagawa.” (singhot)

“Ganoon pa rin, ako lang din.”

December 26, 2009

Tanghali na ako nagising. Lumipas lang ang Pasko nang ganoon. Senti mode. Actually, ini-expect ko na naman ang ganoon. Wala naman talaga akong espesyal na pangyayaring inaasahan. Wala namang nangyari. Ang unusual lang ay maya’t maya may lamang messages ang cellphone ko. Bumabati. Puro group messages naman lahat. Walang patungkol talaga sa akin. Iyong akin lang talaga. Marami ngang messages pero parang wala rin.

Another pakawala ng pagod na hininga.

Buong araw nakaupo lang ako. Kumakain ng mga natirang pagkain kahapon. Ganun lang, iyon lang. Wala sa akin. Parang walang nangyaring maganda sa akin mula nang magbakasyon. Hmmm, meron pala, nakabili ako ng t-shirt na designed by Apol Sta. Maria. Iyon Siguro. Pero maliban doon, wala na.


December 27, 2009

So bale Linggo ngayon. nabalitaan kong may Christmas Sale sa mall na malapit sa amin. Pero actually, hindi rin naman ganoon kalapit dahil, isang sakay pa ng jeep. Huwag mo ng itanong sa akin kung gaano kalayo ang isang sakay ng jeep. Hindi ako agad naniwala na may year-end sale na dahil Nanay ko ang nagsabi, nabasa niya raw sa banner. Hindi ako naniwala dahil hindi naman siya nakakabasa nang kahit na text message man lang dahil sa sobrang labo ng mata niya. So ang tinanong ko ang kapatid kong pasaway.

“Mong, may sale na ba sa SM? As in ngayon na ha?”

“Oo.”

“Paano mo nalaman?”

“Sabi sa akin ni Rap-Rap!”

“Paano niya nalaman? Tsaka sigurado ba ‘yun?

“Oo nga. Marunong ka pa kay Rap-Rap eh sa SM nagtatrabaho iyon.”

“Ah, okay. Sabi ko nga eh.”

Eh ‘di naligo na ako agad at hinaltak ang kapatid ko pang isa, si Chiching, sa mall. Pagdating namin sa loob, parang walang aura ng sale sa mall. Okay iyong ibang stalls napilitan maglabas ng iilang sabitan ng mga damit na ‘sale’ daw. So heto naman kami, tingin-tingin, ‘di naman bumubili. Nagsama pa kaming dalawa, isang kuripot at isang wala talagang ganoong magagasta. Okay, ikot-ikot, ayaw naman pakawalan ang pera. So okay, after some hours, I bought a book. Twisted 8 ½ . actually, nakita ko ang dalawang libro na gustong-gusto ko na talagang bilhin kaso lang kahit sale na sila, mahal pa rin. Ang una ay ang Of Love and other Demons by Gabriel Garcia Marquez at The Reader by Bernhard Schlink. Kalahati ang presyo pero ganoon pa rin mahal pa rin, balikan ko na lang, kaya hayun itinago ko na lang sa ilalim ng ibang libro. Sana lang iyong mga titingin roon hindi sa ilalalim nagsisimula tulad ng ginagawa ko. Maganda kasi simulan sa likod o ilalim ang paghahanap dahil nandoon ang ‘the best’. Lagi kasing itinatago.

So umuwi na rin kami agad, hindi pala kami handing pakawalang mga pera namin.

In fairness, maraming tao, pero sa dinami-dami nang tao, hindi ko man lang nakasalubong si Sign.

Hayyy…Sign pa rin. Sign. Pati utak ko nagsasawa na sa akin. Sa ka-o.a.-yan ko.





December 28, 2009

(blangko)

December 29, 2009
8:46 am

Facebook. Hindi ko na lang alam sa iyo kung hindi mo kilala ang Facebook. Maaga pa, pumunta na agad ako sa computer shop nina Inang . Mga ilang hakbang din ang nilakad ko. Malapit na medyo malayo. Hindi ako magaling sa pagtantiya ng mga bagay-bagay.

Pagdating ko sa comshop, kung saan wala pa sa bente ang bilang ng computer units, ay dadalawa palang ang customers. Maliit lang ang lugar pero malinis o sa paningin ko malinis kasi puti ang pintura ng mga dingding at hindi ko kailanman napansin na ito ay naging gray. Hindi ko namataan si Inang, ang may-ari ng computer shop. Si Inang ay isang tipikal na 60 year-old (tantiya lang), nakasalamin, lamang na ang puti sa itim sa kanyang buhok na hugis bombilya. Laging nakaputing tshirt at palda. Medyo hawig niya ang Senior Librarian doon sa larong Bookworm Deluxe, iyong laro sa computer. Mga limang minuto pa ako naghintay doon bago lumitaw si Inang.

“Net po.”

“Saan mo ba gusto?”

“Dito na lang po sa may headset.”

“Okay.”

Binuksan niya ang computer. At okay, heto na ako, nakaharap sa monitor. Go Facebook, Online Friends (5). Online ang isa sa iniidolo kong manunulat, okay ‘wag papansin. Okay, i-accept ang friend requests. I-view ang ini-stalk na guy. Hindi, jowk lang hindi ako stalker, medyo lang. Nire-research ko lang naman ang mga tulang ginawa niya. Mula ng 14 years old palang siya. Hahaha. Pati trabaho niya, pinakikialaman ko, pati friends ini-scan, mga gustong tugtugan. Hindi ako stalker. Sana makita ko siya ulit. Isang beses palang kaming nagkikita. Sa isang poetry discussion.

After one hour ng surfing…Online friends (28). Pinasadahan ko ng tingin ang mga pangalan sa online list, hmmm…schoolmate, former schoolmate, classmates, mga kakilala, mga hindi kakilala, isang sobrang kilalang-kilala. Si Sign!

Sa ISIP ko na naman:

“Ano ba, itsa-chat ko ba? Hmmm…pero hindi siya lumitaw doon sa simbang gabi, wala na akong dapat pang asahan sa kanya. Hindi na ito ang sign na hinihintay ko. Pero huling bira na ito. Kapag ini-snob ka niya, okay defined na kung sa defined.”


Okay, nagka-guts na ang mga daliri ko. Okay…isang right click na lang, teka bakit nawala na ang pangalan niya sa listahan? Nag-offline na siya. OFFLINE. Okay. Now I know. Hmmm. Anong gusto kong gawin? Wala. Iniiwasan niya ako. Lagi na lang. Okay.

Nag-out na rin ako at umuwi na lang.

December 30, 2009

Nagbabad ako ng mga gamit na tuwalya. Sumakit ang ulo ko sa sobrang bango ng detergent na iyon. Hindi talaga lahat ng mabango sa ilong, masarap sa panlasa, ayos pakinggan, maganda tignan ay okay. Minsan violence sa pandama! Violence! Teka, saan ba nanggagaling ang mga ito?

December 31, 2009
11:27 pm

“Ligaya mo’y pangarap na hindi maging aking kundi para sa iba…”

Sentimenta ang kantang ito ng isa sa mga trip kong lokal na banda. Hindi nila ito ni-release as a single. Masyado kasing emote eh. Okay, heto na ang huling araw na hahayaan ko ang sarili ko na isipin pa si Sign. Alam kong hindi na kami magkikita. Hindi hangga’t nasa katinuan pa siya. One last cry ang drama pero wala akong mailabas na kahit ano. Naubusan na yata.

Bago magpalit ng taon, ikinulong ko muna ang sarili ko sa CR. Hindi naman dahil sa gusto kong ‘maglabas ng sama ng loob’. Gusto kong ilabas muna ang lahat. Sa isip ko ay mga bula ng alaala. Isa-isang pumuputok. Gusto ko sabihin na, teka muna, ‘wag muna. Pero magawa para pigilan. Sana nga makalimutan ko na. ito na ang huling araw. Bukas hindi ko na siya, maaalala, itatangi mula sa karamihan. Katulad na lang siya ng mga makakasabay ko sa paglalakad sa kalye, makakasakay sa jeep, makakagitgitan sa LRT, ganoon na lang, makakalimutan na lang. Palalampasin. Hahayaan.

Soiree

The music is up
And so were the heartbeats
There were arm locks
Around necks and tiny waists.

Scent of the air
And breaths are one
Spirits and smiles
Intertwined with the right song.

Nothing is ever wrong
No one is ever alone
The night of rights
Feelings and coming along.

Sunday, April 11, 2010

Panaginip

Hindi na ako magsasalita
Hinid naman ito mahalaga
Tatahimik na lang para hindi mo marinig
Ang aking tinig

Hindi na ako ngingiti
Dahil walang may gusto nito…

Gusto mo ba?
Gusto mo ba akong tumawa...
Gusto mo ba?
Gusto mo ba?

Hindi na ako maghihintay
Ako na lang ang nandito
Alam kong hindi na kita makikita muli
Ayoko na dito

Hindi na ako maghihintay
Dahil ayaw mo namang hintayin kita

O gusto mo ba?
Gusto mo bang hintayin kita?
Gusto mo ba?
Gusto mo ba?

Alam mo para akong tanga
Dahil gumagawa ako ng sulat para sa ‘yo
Pero hindi ko naman ibibigay sa ‘yo
Sana mawala na ito.

Makata

Isang tula
Marami na kong naisulat para sa iba
Ngunit wala pang natanggap ni isa.

Isang tula
Nakilala para makalimutan
Tulad ng buhangin na binura ng ulan.

Isang tula
Puro mababaw na salita ang laman
Ngunit malalim ang pinagmumulan.


Mahal kita tulad ng hangin
Madarama mo rin.
Mahal kita tulad ng hangin
Makikita kahit hindi nakatingin.


Isang tula
Para sana sa isang katulad mo
Na hindi alam kung sino ako.