Wednesday, May 19, 2010

Nandirito Tayo sa Gitna- Unang Bahagi

Nandirito

Tayo

Sa

Gitna


April 8, 2010




Masasabi kong marami na akong narinig, nabasa, naikwento, napanuod, nai-tsismis, nai-bulong, na-isulat, nai-tula, naisip, nakalimutan, nai-lihim at napakinggang mga istorya. Sa katunayan, iniisip ko minsan kung ang mga ito ay may posibilidad ba talagang mangyari o talagang gawa-gawa lamang ng tagasalaysay. Ang alam ko nabasa ko ito, ngunit hindi ko na talaga matandaan kung nabasa ko nga ba ito sa isang libro o naikwento lang sa akin ng isang kaibigan. Basta ang sabi ay ganito : Minsan sa sobrang pagkalimot natin sa mga bagay-bagay, minsan napapaisip tayo kung nangyari ba talaga ang mga bagay na ito o ito'y yari lamang ba ng ating imahinasyon.

Tulad ng isang bagong kakilala. Nagkita kayo, sabihin natin sa gitna ng Binondo, at ang iyong kaliwang kamay ay pakaway na sana, biglang malayo ang tingin ni Kakilala. Wa-care. Napaisip ka tuloy kung nagkakakilala nga ba kayo talaga o nagkataong kamukha niya lang ang bago mong kakilala na napanaginipan mo lang pala. Pero nandoroon ang isang damdamin na nagsasabi sa 'yong kilala mo talaga siya. Ramdam mo eh. Somehow. At bigla mong maaalala, siya nga pala ang unang babaeng bumasted sa iyo noong High School. Ahahaha. Lupeettt!

Matatawa ka na lang dahil napag-trip-an ka ng isip at puso mo. Kumbaga, nag-connive ang dalawa nang hindi mo inaasahan. Nakakalungkot dahil hindi mo matutunang ma-kontrol ang dalawang ito ng sabay pero kaya ka nilang paiyakin at patawanin at the same time. Hindi ko alam kung ako lang ba talaga itong nagsasalita o ako lamang ang nagsasalita para sa mga taong tulad ko ring hindi alam kung praning ba o sadyang tumagilid lang ba talaga ang mga utak nila.
Gusto kong ikwento ang mga tagpo ng bawat isang kakilala ko. Kaibigan.

Kasabay. Katabi. Hindi kakilala. Ka-close at hindi gaanong ka-close. Kabatian. Kagalit. Mga kaklase. Ka-eskwela. Kabanggaan. Kasalubungan. Kaharap. Mga taong hindi ko maaaring makita nang madalas ngunit aking nakakausap at itinuturing na malapit sa akin. Pero sa totoo lang gusto ko lang talagang mag-kwento ng mga kwentong kaya kong i-kwento. Iyong manggagaling sa akin talaga. Iyong mga kwentong tumatakbo sa isip ko na akala ko hindi nangyari dahil sa pagkalimot ko rito.

Ayon sa isang nabasang libro ko na isinulat ni Kelman, noong siya'y hindi pa nagsusulat o noong siya'y medyo bata pa, iisa lang ang takbo ng mga kwentong nabasa niya. Ang mga bida ay panay ang pagpipilit na baguhin ang kanilang mga sarili. At dahil doon, nasabi niya sa sarili na siya ay susulat lamang ng kung ano ang nangyayari sa kanya, sa mga taong nakapaligid sa kanya, sa kanyang mundo. Mas lalabas daw kasi ang puso sa istorya mo kung alam na alam mo ang takbo nito kahit pagbuhul-buhulin mo ito tulad ng mga bituka at mga lamang-loob.

Naisip ko tuloy kaya ko kayang i-kwento ang kwento ko? I mean, memorized ko kaya ito forwards and backwards? At kahit pa paikut-ikutin ito ay masasabi ko kayang: Ay! Akin 'yan! Istorya ko 'yan! Hmmmm…Matagal ko nang sinukuan ito. Pero sabi nga nila, it could be better the second time around. Tama nga ba?

At isa pa, ika nga ni Chito M., "Paano ka tatama kung hindi ka tataya?" Nga naman. He has a point!

So paano na? Sisimulan ko na? Ang malaking tanong para sa akin ay kung paano ako magsisimula? Saan ko ba sisimulan? Sa ending? Eh 'di hindi na ending iyon. 'di ba?

Teka, konting process pa, konting pa-depress para may mai-sulat. Konting drama. Konting eksaherasyon. Konting kalokohan. Konting R-13. Konting antok. Konting recall. Konting frustrations. At maraming-maraming mga salita, eksena, kasalanan, desisyon, alaala, pagsisi, sayang, pagkakataon, relasyon, experiences, pictures, liham, kanta, sapatos, kalye, street foods, Coke, yelo, tuna at beer.