Thursday, October 7, 2010

The Cycle


3:31 pm
June 26, 2008
Room 109

Hindi na siya mapakali sa kanyang upuan. Maaaring napapansin na kanyang katabi na kanina pa siya ‘di mapakali sa kanyang upuan. Hayung, humarap siya kung saan-saang direksyon na ‘di mo malaman kung malikot lang ba siya o ano.

Sandali na lang.

“Class dismissed.”

Gusto niyang tumakbo patungong CR pero tingin niya naman OA kung gagawin niya ‘yun but she still did. Stupid.

Hallelujah! Sigaw ng isip niya. Sa wakas. Wala na. Habang nakatingin sa pader ng CR kung saan siya lang ang tao ay mapapansin ang mga vandalisms na ‘di mo malaman kung saan nanggaling. May mga bastos, as in GREEN, yung iba naman pa cute, ‘yung iba EMO. Meron pa ngang bible verse. Kanya-kanyang trip lang ‘yan, walang basagan.

Naalala niya may dark green pentel pen nga pala siya, yung manipis lang ‘yung tip. Pero inisip niya kung ano ang isusulat niya. Ayaw naman niya ng katulad ng mga nabasa na niya.

At gumalaw ang kanyang kaliweteng kamay.

“2008 100%”

Hayan, walang makakaintindi niyan. Siya lang. At siya nga lang.

May nag-text sa kanya. Napangiti siya at nagmadaling lumabas ng CR. Tumakbo siya patungo sa sakayan ng jeep, sa may shed. Natanaw na niya. Ang tangkad, ang clean cut nitong buhok, ang tindig ng taong gustong-gusto niya. Pero hindi nito iyon alam. Hindi nito alam na alam niya ang course nito, na Senior na ito, na sa ganitong dorm ito nakatira, at kung anu-ano pa.

Nang sumunod na araw, pareho silang nasa library. Pero hindi niya sinadya na magkasabay sila. Totoo ‘yon. Ano nga ba ‘yung hinahanap niyang libro, ah tama, oo nga, nasa…na kay… pala. Aktong ibabalik na ni Lalaki ang libro ng tila napansin nitong hinahanap niya ang libro. At iyon ay iniabot nito sa kanya. Sabay ngiti. Sabay layo.

At pagkatapos, tapos. Kinilig na siya! Oo, iyon lang! Yeah! First up-close encounter! Nginitian siya!

Pagkatapos mag-library ay nagpunta siya ng CR para maghilamos. Nagpunas ng mukha. Naglagay ng pulbos sa mukha at leeg. Palabas na siya ng mapansin niya ang isinulat niyang vandal n’ung nakaraan.

“2008 100 %”
“110% na!”

Natapos ang semester at hindi na niya napagkikinita si Lalaki. Kahit ang mga ‘galamay’ niya hindi na rin nila ito nakikita. Siguro nagpapa-miss lang ‘yun, makikita ko pa siya ulit. Think positive !

Dumaan ang sembreak, Christmas break pati summer break! Pero hindi na niya ito nasilayan.

“2008 100%”
“110% na”
“ 2009…at ngayon, 50% na lang.”

Pagkatapos i-check sa salamin ang sarili ay lumabas na siya ng CR. Mataas ang grades niya sa mga class cards na dala-dala niya sa bag pero malungkot siya.

Siguro ganun talaga, some things are not meant to be. Meant to be. Teka ano ba pinagsasasabi niya? Eh wala naman silang kahit ano? Halos isang taon na rin niyang ‘minamanmanan’ ‘to, s’an na kaya ‘yun ?



June 2, 2010
9:08 pm
Sakayan ng Jeep, Sa Loob ng Campus


Habang naghihintay siya ng jeep sa shed ay…ay... teka si… ba ‘yun? Patawid, mukhang puyat siya, ang dami niyang bitbit, parang ‘di siya magkandatuto. Medyo mahaba na rin ang buhok niya at nagpatubo ng balbas…tsaka…

Tumuloy ang lalaki sa pagtawid.
At narinig ang wang-wang sa paligid. Ng pulis. Ng ambulansya. Nakahinto ang isang SUV. Tense ang driver nito. Tumilapon ang mga dismissal documents at term papers sa kalye. Pati mga class cards. Na nakulayan na ng dugo.

“ Alam ninyo na ba ‘yung balita ‘dun sa lalaki at babaeng nasagasaan sa may tapat ng shed…’yung babae raw coma.”

“Eh ‘yung lalaki?”

Sinamahan siya ng kanyang Mama sa sementeryo. May dadalawin daw sila. Ipinagtirik ng kanyang Mama ng kandila ang lalaking may pangalang Rome. Weird ng pangalan.

November 1, 2010
10:08 am
North Cemetery


“‘Nak, siya ‘yung lagi kong pinaaalala sa ‘yo.”

Lumuhod siya sa tapat ng lapida nitong nasa ibabaw ng neatly trimmed lawn, wala siyang maramdaman. Ni mukha ng Lalaki ‘di niya matandaan.

Tagal niya ring ‘di nakapasok sa school dahil sa tagal niya sa ospital. Uulitin niya tuloy ang halos isang semester. Maraming bumabati sa kanya na hindi naman niya kilala. O mas tamang hindi niya matandaan. Napatingin siya sa pader ng CR, kung saan siya lang naman ang tao. May mga vandals siyempre. May green jokes, at ‘yung iba bastos lang talaga (hindi na joke), yung iba naman parang alien ‘yung nagsulat, ‘yung iba EMO, punks not dead. At guess what? Meron pa ngang bible verse. Mga tao nga naman.

“2008 100%”
“110% na”
“ 2009…at ngayon, 50% na lang.”

Ano ‘to? Tanong niya sa sarili. Nagko-compute ba ang nag-vandal nito ? Anong trip kaya ‘to? Economic growth kaya ‘to?
Dugtungan niya kaya? May maiinis kaya? Try niya lang kung magre-reply ‘yung talagang nag-vandal.

“2008 100%”
“110% na”
“ 2009…at ngayon, 50% na lang.”
“ 2010… 0%”
Habang isinisulat niya ang mga karakter parang napagtanto niyang nagsulat na siya sa pader ng CR na ‘to, ilang beses na at parang…pero hindi niya maaalala kung kailan at kung ano ang isinulat niya.


November 18, 2010
9:21 pm
Sakayan ng Jeep, Sa Loob ng Campus

Pauwi na siya. Ngayon na lang ulit din siya pupunta sa shed…sa shed, nakatayo siya at naghihintay ng jeep. May kuyang patawid… may parating na FX…

Ngayon naalala na niya, lahat…ang mukha ng lalaki, ang tindig, tangkad, buhok nitong humaba, matang pagod sa puyat, ang balbas sa baba, ang lalaking may weird na pangalan, si Rome…

Ngunit ibang lalaki na ang nasa harap, at hindi na ang lalaking ito ang masasagasaan…hindi niya hahayaan.

“Ang percents…levels ng damdamin ko…para sa kanya…sa pagkikita namin mai-explain ko na sa kanya.’’ Nausal niya bago mawala ang lahat.

At narinig ang mga wangwang. Ng pulis. Ng ambulansya. Nakahinto ang FX. Tulala ang driver nito. Walang mga papel o dokumentong tumilapon…isang katawang nakahandusay sa tapat ng shed.

“Kilala mo ba ang biktima?” tanong ng pulis sa naligtas.

Hindi ito makapagsalita sa sobrang pagtitimpi ng luha. Hindi niya masabing ang babaeng tumilapon ang katawan sa kalsada ay ang babaeng ilang taon na niyang binabantayan dahil gustong-gusto niya ito, pero ‘di nito alam ‘yon, hindi na nito malalaman ‘yun. Hindi na, kahit kailan.