Friday, June 5, 2009

Walang Wakas

Maaga pa. Sobrang aga pa talaga ng dumating ako sa Unibersidad. Mga janitors at guards pa lang ang naroroon. Naisipan kong lumibot muna sana kaso lang ay tinamad din ako. Nang makarating ako sa classroom ay wala pang katao-tao. As expected. Kaya nagpunta muna ako sa C.R.. Sarado iyon may nakaharang pa nga 'ata sa likuran niyon. Sixth floor wala rin. Eh di baba, baba. Hayun bukas naman. Wala pa ring katao-tao maliban sa isang batang kumakain sa labas ng palikuran. Anak 'ata ng janitress. Pumasok ako sa C.R.. Pumasok ako sa isang cubicle. Dito sa Unibersidad ay dapat ka ng masanay sa mga "di kagandahang palikuran". As expected may mga vandal sa pinto ng cubicle. Abnormal ang isang C.R. kung wala itong mga sulat. Binasa ko ang ilan sa mga ito. Ang ilan ay may mabibigat na ipinaglalaban:

Resist Remodification of Women!-Gabriela.

Ibagsak ang Rehimeng Arroyo!

No tuition fee increase. ( Binura pa ang salitang "increase" sa sobrang pagtutol ng mga estudyante dito.)

Normal na ang makabasa ng katulad ng mga ito dahil sinasabi nga na pugad ng mga aktibista ang aming Unibersidad. Hayagan ang pagtutol sa mga panukala ng pamahalaan nasa tingin nila ay mangdudusta lamang sa mga mamamayan. Dito ka makakakita na habang ngakaklase ang ibang estudyante, ay may nagra-rally, hindi batid ang perwisyong dulot nito sa iba basta maipaglaban ang kanilang mga pinaniniwalaan. Sa sarili kong opinion, wala akong masamang tinapay sa kanilang ginagawa. Sa katunayan nga ay hindi ko mapigilan ang sarili kong makinig sa mga isinisigaw nilang mga tibak. Hindi lang doon nagtatapos ang kanilang pagkilos, nagpupunta rin sila sa mga rooms upang i-discuss ang mga current issues. Sa tingin ko ang gawain nilang ito ay napakalaki ng maitutulong sa pagmumulat sa aming mga kapwa nila estudyante sa kung ano ang nangyayari sa bansa natin. Kaso imbes na suportahan sila ng Admin ay tinutuligsa pa sila.

Ayaw lang naman ng Admin ng gulo, 'yun lang. Ang punto nila ay bakit ba prino-problema ng mga aktibista ang hindi naman nila problema. Bakit pa pinipilt nila ipaglaban ang mga bagay na hindi naman nila dapat pinakikialaman? Napaka-ideyalistiko daw ng mga aktibista. Parang ang dali-dali lang daw lutuin ng pagbabago. Lahat naman tayo ay gusto nga pagbabago pero parang napakahirap ipaglaban nito sa kadahilanang, hindi matatamo ang pagbabago na ito kung hindi lahat kikilos. Kumbaga ba eh, nag-basketball ka mag-isa laban sa isang team.

Ang nakikita nilang solusyon sa lumalalang kalagayan ng lipunan ay ang edukasyon. Ano ang magagawa ng isang kabataang walang pera? Sa panahon ngayon, na kapitalismo ang naghahari, mahirap gumawa ng hakbang nang walang pinanghahawakang salapi. Mag-aral daw muna bago mag-rally! Kung may natapos ka na at kumikita na eh tsaka kumilos dahil sa panahong iyon eh mas may kakayahan na raw tayong ipaglaban ang ating mga paniniwala.

Eh sagot naman ng mga aktibista, dapat na nating simulan ang pagkilos ngayon dahil ang sitwasyon ng bayan ay palala na ng palala. Kung hindi ngayon, kailan pa? Simulan ang pagbabago ngayon!

Kung susuriin ang kanilang mga argumento, makikita naman talaga na ang dalawang grupo ay may kanya-kanyang punto na sinusuportahan ng mga balidong kadahilanan.

Nasa sa atin na ang pagpapasya kung saan ba tayo papanig o kung dapat ba tayong pumanig sa alinman sa dalawang lupon na nabanggit.

Napaka-aktibo yata ng utak ko nitong umagang ito upang mailathala lahat ng mga pananaw at paksa. May sakit yata yung utak ko. Tila nagpaparamdam at sabi pa ay " Hey pare, andito ako, gamitin mo naman ako paminsan-minsan." Funny, pati utak niya iniisip na tomboy siya.

Salamat sa mga vandalism. At nang dahil sa kanila ay na-inspire ako magsulat. Hindi mo talaga mape-predict ang ideas. Salamat ulit sa mga vandalism.

Pahabol:

Sa taas ay nabanggit na ang inilahad ko ay ang mga nabasa ko sa cubicle na may mga mabigat na pinaglalaban, deep ba kumabaga. So kung may deep ay may shallow! Ano kaya yung mga shallow na 'yun? Shallow nga ba talaga? O seryosong usapan din?

Shallow ba ang pag-ibig?

No comments:

Post a Comment