Friday, June 5, 2009

Pilipinas, Isang Bansang Insecure

Alam ko, alam mo at alam nating lahat kung bakit ko ito nasabi. Mahal ko naman ang bansang ito pero kung titingnan ganito talaga ang lagay ng ating bayan, nating mga Pilipino.

Sandamakmak ang sumisikat na performers, singers, mga banda, mga artista at marami pang iba. Panay mga dayuhan. At ito ang tinatangkilik ng mga kabataan ngayon. Nasa henerasyon kasi tayo ng 'brain washing'. Idinidikta ng mundo na ang pagpa-patronize sa mga banyagang ito ang 'in'. Sikat ka kapag gusto mo ang music nila, films, literature, pananamit, maging kanilang kultura na malayung-malayo sa sariling atin.

Isang patunay pa ng ating pagiging insecure ay ang ating pagiging copycats. Oo, aminin man natin o hindi, hindi natin ito mapapsubalian. Halimbawa na lang ang pop American music. Kapag sumikat ito ng sobra-sobra ay sasabayan naman nating mga Pinoy ng Tagalized version. Ang nakakaasar ay tuwang-tuwa pa tayo sa mga bersiyon nating ito ng mga banyagang awitin. Kinopya na naman natin sila, tinagalog lang. Kung tutuusin, talentado tayong mga Pinoy kaya naman hindi naman natin dapat pang gamitin ang gawa ng iba upang ma-appreciate ng ating kapwa ang ating mga kakayahan. Kaya natin silang higitan kung nanaisin natin. Ang kulang lang naman sa atin ay tiwala sa sarili.

Isa pa ay mga palabas sa telebisyon, nung una ay inatake tayo ng kay rami-raming programa ng mga Intsik, Koreano at Hapon. Ano ang idinulot nito? Ang mga programang ito ang namayani sa mga networks. Nabawasan ang mga palabas na mga artistang Pinoy ang tampok. Makakatipid nga naman ang mga istasyon ng telebisyon kapag ang mga 'telenovela' kagaya ng mga nabanggit ang ipapalabas sa mga telebisyon. Sikat ang imported. Gwapo't magaganda, iba ang dating dahil banyaga. Mapuputi, ibang-iba sa mga Pinoy. Malakas ang hatak sa masa. Kung malakas ang hatak sa masa, lalo na sa mga advertisers na gumagastos ng milyun-milyon para lang maipalabas ang ad sa 'most watched' tv station.

Pero hindi pa tayo nagkasya sa panghihiram ng mga palabas ng mga dayuhan, ginawan na naman natin ng mga sarili nating versions. Halimbawa na lang ay ang palabas na My Girl na ipinalabas sa ABS-CBN. Okay, maganda ang original version. Nag-click sa viewers. Hayun…sinundan ng Pinoy version. Click naman. Kaso lang nabubulok ang artistic juices nating mga Pinoy. Marami namang talented writers na dapat mabigyan ng magagandang break. Katwiran naman ng iba, kapag Filipino writers daw ay expected mo na ang mga nangyayari sa istorya. Predictable ba. Hindi naman dapat lahatin ang mga manunulat, meron talagang may mga talento na dapat gawaran ng pansin. Pero ano? Ang mga manunulat dito sa bansa, walang lugar. Tipo bang 'pag sinabi mo sa Nanay mo na gusto mo maging writer eh baka murahin ka at talak-talakan ka pa ng bonggang-bongga.

Ano pa? Nabanggit ko kanina ang 'brainwashing'. Present ito ngayon sa advertising trends ano? I mean kailan ba iyon nawala? Pero iba na kasi ngayon. Garapalan na ang kompetisyon. Kung anu-ano na ang ipinagsasabi. Talagang nakikipag-sabayan sa mga uso. Uso ang mapuputi? Aba'y nangaglitawan ang 'di mabilang na whitening soap. Uso ang glutathione? Eh 'di may mga bago na namang produktong naglabasan, may mura, may mahal. May peke, may tunay. Nakalakip ba sa kaputian ng balat ang kabutihan ng pagkatao? Kapag maputi ka, maganda ka. Maraming kaibigan, maraming boyfriends. Sus, insecurities nga naman oo.

Mayroon pa, nauso 'yung tsinelas na daan-daan hanggang isang libo ang presyo. Kapg meron ka 'nun sosyal ka, mayaman. Burgis. Ayos. Kaya kahit 'yung mga taong imbes na pangkain na lang sa recess ang pera, tinitipid pa para sa isang pares ng gomang galing sa ibang bansa. Mahusay, mahusay na gawa.

Kulang na kulang pa ang mga nabanggit ko sa itaas. Iisa lang naman ang nais kong iparating. Hindi ba natin gugustuhin na may matawag naman tayong 'atin' at hindi na lang magkasya sa panggagaya sa iba? Hindi ba natin alam na pinatutunayan lang natin na hindi naman talaga tayo tuluyang nakalaya sa anino ng pananakop ng mga banyagang hinahangaan pa natin? Huwag kang mahiya maging Pilipino, 'yun lang.

No comments:

Post a Comment